Pinagtibay ng Korte Suprema (SC) ang kanilang desisyon na nagkasala ng pagtataksil sa kaniyang asawa ang isang mister, at nagdulot ng "psychological violence," na pinaparusahan sa ilalim ng Republic Act 9262 o ang Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004.
Sa desisyon na inilabas noong Marso 1, pinagtibay ng SC First Division ang kanilang naging pasya noong Enero 2019, at ang resolusyon ng Court of Appeals noong Oktubre 2019.
Noong Nobyembre 2017, naglabas ng pasya ang CA ng pagsang-ayon sa desisyon ng regional trial court (RTC), na napatunayang guilty ang lalaki "beyond reasonable doubt" sa paglabag sa Section 5(i) ng Republic Act 9262, o ang Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004.
Pinaparusahan sa naturang batas ang magdudulot ng "mental or emotional anguish, public ridicule, or humiliation to the woman or her child, including, but not limited to, repeated verbal and emotional abuse and denial of financial support or custody of minor children of access to the woman's child/children."
Deklara ng mga mahistrado ng SC batay sa desisyon na, "Marital infidelity is one of the forms of psychological violence. The prosecution in this case was able to satisfactorily establish petitioner’s marital infidelity, his cohabitation with CCC, who even bore him a child, and his abandonment of AAA."
Naghain noon ng petisyon ang kampo ng lalaki kaugnay ng desisyon laban sa kaniya.
Sa record ng korte, nakasaad na si "petitioner" [mister] at si "AAA" [misis] ay ikinasal noong December 2006. Nagkaroon sila ng isang anak na babae na si "BBB."
Dahil sa kahirapan sa pinansiyal, nagtrabaho sa Singapore si AAA noong 2008.
Noong Mayo 2015, natuklasan ni AAA na nagkaroon ng romantikong relasyon si petitioner kay "CCC." Ayon sa korte, sinabihan ni CCC si AAA na huwag nang makipag-ugnayan sa kaniyang mister.
Nakatanggap din umano ng pangungutsa si AAA mula kay CCC sa text messages. Sinasabi pa umano ni CCC kay AAA na sinasabi ng kaniyang mister na kasal lang sila sa papel.
Ayon sa korte, nahirapan ang siyam na taong gulang na anak ng mag-asawa sa pagbibigay ng testimonya dahil naiiyak ito.
"BBB’s psychological trauma was evident when she wept in open court upon being asked to narrate the petitioner’s infidelity. In particular, BBB explained that she was deeply hurt because her father had another family and loved another woman other than her mother," ayon sa korte.
Kinatigan din naman ng SC ang pasya ng CA na parusa sa lalaki na dalawa hanggang walong taong pagkakabilanggo, pagbabayad ng multa ng P100,000, at pagsailalim sa psychological counseling.—FRJ, GMA Integrated News