Matapang na hinarang at kinapitan ng isang “Good Samaritan” ang isang suspek na armado ng baril na nanindak sa isang tindahan bago tumakas sa Manhattan sa New York, USA.
Sa ulat ng GMA News Feed, mapapanood ang mahigpit na pagkapit ng lalaking sibilyan sa suspek na si Jason Fleming, 39-anyos, at hindi niya ito pinakawalan, hanggang sa dumating ang mga pulis at madakip ito.
Sinabi ng U.S. Attorney’s Office na sumalakay sa isang maliit na grocery store si Fleming para sindakin ang isang lalaking nakaaway niya. Nagpakita umano ang suspek ng dalawang baril na puno ng bala, kabilang ang isang carbine rifle.
Mapapanood sa CCTV video ang pagtakbo ng ilang customer dahil sa matinding takot.
Isa sa mga saksi ang tumawag sa 911 kaya rumesponde agad ang mga pulis.
Ayon sa pulisya, itinapon ni Fleming ang rifle sa isang kainan habang tumakas, habang hawak niya pa rin ang isang revolver.
Nagsitakbuhan ang mga taong nadaanan ni Fleming dahil na rin sa mga insidente ng pamamaril sa Amerika.
Base record ng pulisya, dati nang na-convict si Fleming dahil sa ilegal na pagmamay-ari ng mga baril.
Muling sinampahan ng kaso si Fleming at posibleng makulong ng hanggang 15 taon.
“Thanks to our law enforcement partners and the heroic efforts of a Good Samaritan, the defendant was apprehended before he could hurt anyone, and his weapons are now off the streets,” saad ng U.S. Attorney’s Office Southern District of New York.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News