Patay na nang matagpuan ang magkapatid na senior citizen sa loob ng kanilang bahay sa Sampaloc, Maynila nitong Biyernes, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Martes.
Kinilala ang dalawang biktima na sina Elizabeth Poras, 84, at Alicia Poras, 64, na kapwa hinihinalang pinatay sa sakal ng salaring nahuli rin kinabukasan.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Wilson Villaruel, hepe ng Sampaloc Police Station, humingi ng tulong sa barangay officials ang kaanak ng mga biktima matapos hindi sumagot ang mga ito nang puntahan sa bahay para dalhan ng pagkain.
May isang saksi raw na nakakita sa isang lalaking may sugat sa mukha na pumasok at lumbas ng bahay ng mga biktima.
Kinabukasan, matapos magtanong-tanong, natunton ng mga pulis ang suspek na kinilalang si Rodel Cleofe, 36. Bukod sa sugat sa kaniyang mukha ay positibo siyang kinilala ng saksi.
Lumalabas sa imbestigasyon na pagnanakaw ang motibo ng suspek.
"Ang nangyari, na-discover siya nung 64 years old, si Alice, 'yung nurse. Dahil nag-hysterical si Alice nung siya (suspek) ay ma-discover, tinakpan 'yung bibig at ilong nitong 64 years old na biktima natin hanggang sa malagutan ng hininga," kuwento ni Villaruel.
Dagdag pa ni Villaruel, noong papatakas na ang suspek ay nakita naman siya ni Elizabeth kaya maging ito ay pinatay din niya.
"Nakakuha siya ng tela, ipinulupot niya doon sa leeg noong pangalawang biktima," ani Villaruel.
Sa jeep lang daw natutulog ang suspek kaya posible raw na tinarget niya ang magkapatid na senior citizens. Nahaharap siya ngayon sa kasong double murder.
Napag-alaman na kalalaya lang ng suspek noong nakaraang taon dahil sa kasong robbery. —KBK, GMA Integrated News