Naging maaksiyon at mapanganib ang paghabol ng mga pulis para maaresto ang isang lalaki na tinakasan umano ang bayarin sa ginawang pa-morningan na pag-inom sa isang bar sa Quezon City.
Ayon sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, sinabing sa isang bar sa Cubao magdamag na uminom ang suspek na kinilalang si Abdul Nazif Dimaporo.
Pero nang sisingilin na sa kaniyang mga nainom, tumakas ang suspek sakay ng kotse. Sa pagtakas, may mga nahagip pa umanong mga sasakyan ang kotse.
Nakorner siya ng mga rumespondeng awtoridad sa bahagi ng C5 Road corner FVR Road. Dahil hindi pa rin kusang bumaba ng kaniyang sasakyan, sapilitan nang binasag ng mga pulis ang salamin ng kotse.
Nasa kustodiya na ng Quezon City Police District Traffic Sector 3 si Dimaporo na mahaharap sa patong-patong ka reklamo, kabilang direct assault, disobedience to authorities, damage to property, estafa at iba pa.
Payo ni Police General Nicolas Torre III sa mga iinom, magdala ng pambayad at huwag magpapasobra sa inom.
"Saka kapag ganyan pinapaiwan ang cellphone, iwan mo na kaysa ganyan wasak ang kotse mo," anang opisyal.— Sundy Mae Locus/FRJ, GMA Integrated News