Pinatunayan ni Leon Edwards na hindi tsamba ang pag-agaw niya ng UFC welterweight belt noong nakaraang taon, makaraang talunin niyang muli ang ex-champion na si Kamaru Usman sa UFC 286 nitong Linggo (Philippine time).

Sa kanilang ikatlong pagsasagupa na ginanap sa O2 Arena sa England, nanalo si Edward via unanimous decision sa 48-46, 48-46, at 47-47 sa scoreboard ng judges makaraan ang limang round na tig-limang minuto.

Umangat ang record ni Edward sa 21-3, habang 20-3 naman si Usman.

“I was landing more cleaner shots and took out his legs. He is my hardest fight to this day. I want to say thank you for being a great competitor,” sabi ni Edwards matapos ang laban.

Suntok, sipa, at tuhod ang mga pinakawalan ni Edwards, habang sumandal si Usman sa kaniyang boxing at wrestling skills.

Unang nagtuos ang dalawa noong 2015 sa isang non-title bout. Noong Agosto 2022, naagaw ni Edwards kay Usman sa UFC 278 ang welterweight belt sa nakayayanig na last minute knockout sa  fifth round.

May mga kritiko ni Edwards na naniniwalang tsamba lang ang kaniyang pagkapanalo dahil nakalalamang noon sa laban si Usman bago tamaan ng head kick.

Sunod si Colby Covington

Kasunod ng pagkapanalo ni Edwards, inihayag ni UFC President Dana White, na si dating UFC interim welterweight champion Colby Covington ang susunod na makakaharap ng kampeon.

Huling lumabas si Covington, 35-anyos, noong Marso 2022 at tinalo niya si Jorge Masvidal via unanimous decision.

“Colby gets the next shot no matter what happens,” ani White. “I do not know when we will do it but that is the fight that makes sense. Colby came here and cut weight and did everything to be here for this fight.”

Bago bugbugin si Masvidal, dalawang beses natalo si Covington kay Usman.

Ngayong na kay Edwards na ang belt, sinabi ni White na dapat bigyan muli ng pagkakataon si Covington.

“He deserves the fight, not to mention he is the second or third best guy in the world,” sabi ni White. —FRJ, GMA Integrated News