Arestado ang isang respiratory therapist matapos ma-huli cam sa pagnanakaw ng portable ventilator sa isang ospital sa Quezon City.
Nakilala ang suspek na si Paulo Miguel Sumbad, ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita nitong Lunes.
Nangyari ang insidente noong Marso 4 sa New Era General Hospital.
Sa kuha ng CCTV na ibinahagi ng Quezon City Police District (QCPD) Station 14, nakita ang suspek na naka-duty noon sa Pulmonary Department sa ikalawang palapag ng ospital bandang alas-siyete ng umaga. Nakita rin ang isang portable ventilator machine malapit sa suspek.
Maya-maya lang ay nakita sa video na bitbit na ng suspek ang isang plastic bag.
Dinala niya ito sa kanyang motor at umalis.
Pumasok pa siya sa mga susunod na araw.
"Dalawa lang ang available nila niyan [portable ventilator machine] eh. 'Yung isa, ginagamit sa mga pasyenteng nangangailangan. Ipu-pull out sana sa storage equipment nila nang na-discover nila [na nawawala ito]," saad ni Police Captain Anthony Dacquel, chief investigator ng QCPD Station 14.
Nang mapanood ng pamunuan ng ospital ang CCTV video, agad nilang ipinadampot sa pulisya ang suspek na noon ay naka-duty.
"Na-tempt lang po ako na gawin po 'yon," ani suspek. Nagkasakit daw ang anak niya at maraming gastusin sa bahay. Humingi siya ng tawad sa pamunuan ospital.
Naibenta na raw niya ang ventilator online.
Nagkasa naman ng entrapment operation ang mga pulis at nahuli sa isang mall sa Maynila ang suspek na si Roberto Sion Jr. na siyang buyer ng ventilator.
Nabawi din ng mga pulis ang ventilator na nagkakahalaga pala ng P800,000. Ibinenta ito ng suspek sa P55,000, at planong ibenta naman daw ng nakabili ng P150,000.
"Sa ano kasi, black market eh. Kaya mura lang. 'Di ko alam na nakaw po. Pasensiya na po," ani Sion.
Sa presinto naman ay dumating ang kaibigan ng pangalawang suspek at nagtangkang manuhol sa halagang P50,000 para pakawalan si Sion.
Inaresto ng mga pulis ang kaibigan na nakilalang si Carmelo Reyes.
Kapwa technician daw si Sion at Reyes at nagba-buy and sell ng mga hospital equipment.
Mahaharap sa kasong qualified theft si Sumbad.
Si Sion ay mahaharap naman sa kasong paglabag sa Anti-Fencing Law, habang si Reyes ay kakasuhan ng attempted corruption of public official. —KG, GMA Integrated News