Muling itutulak ni Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers ang pagbuhay ng parusang kamatayan sa mga sangkot sa ilegal na droga kasunod ng mga impormasyon tungkol sa pag-“recycle” ng mga nakukumpiskang droga.
Kabilang si Barbers, chairman ng House Dangerous Drugs Panel, sa mga mambabatas na nagsusulong na ibalik na ang parusang kamatayan para umano matakot ang mga nagbabalak na gumawa ng masamang gawain.
“Mag-recommend kami na itulak talaga ‘yung death penalty dito sa mga drug offenders na ‘to,” sabi ni Barbers sa ulat ni Mai Bermudez sa GMA News “24 Oras Weekend” nitong Linggo.
“Pangalawa, ‘yung sa method ng recycling, siguro dun pa lang sa pag-iimbentaryo ng ebidensya na nakakalap eh dapat istrikto na kaagad,” dagdag niya.
Nitong nakaraang linggo sa pagdinig ng kaniyang komite, sinabi ni Barbers na batay sa impormasyon na nakuha niya, binibigyan umano ng mga pulis at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang kanilang "impormante" ng nakukumpiskang droga kapag nakakakuha ng matagumpay na "tip" o impormasyon.
“A substantial amount of illegal drugs hauled, seized and confiscated by the PNP [Philippine National Police] and PDEA are being recycled for the past 20 years. This fact was revealed today by an asset/informant of the two agencies who admitted being given 'basura'—street lingo for shabu—by anti-illegal drug operatives of the two agencies every time they make a bust based on his tips,” sabi ni Barbers.
Umaabot umano ng 30% hanggang 70% ng nakukumpiskang droga ang ibinibigay sa impormante o asset.
"Binibigyan ng shabu o part of the evidence for the assets to sell it to the streets. Kapag naging cash na ito, na-convert na into cash, binabalik na ito sa operatives...Doon siya magkakaroon ng porsiyento," dagdag ng kongresista.
Sa joint Senate Blue Ribbon and Justice Committee inquiry noong 2019, natuklasan na may mga police official umano ang nagtabi ng bahagi ng nasa 200 kilo ng illegal drugs na nasabat sa drug bust sa Pampanga noong 2013 para i-“recycle.”
Sinabi naman ng pamunuan ng PNP na aalamin nila ang naturang mga impormasyon at nangakong papanagutin ang mga mapapatunayang sangkot sa pag-recycle ng nakukumpiskang ilegal na droga.
“Hindi naman po ito ang policy ng PNP na mag-recycle ng drug. Hindi po ito papayagan at ito-tolerate ng PNP,” pahayag ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo sa naturang report.
Magsasagawa pa ng pagdinig ang komite ni Barbers tungkol sa ilegal na droga. Kasama sa inimbitahan ang mga opisyal ng National Bureau of Investigation (NBI), PNP at kanilang Drug Enforcement Group, at PDEA.— FRJ, GMA Integrated News