Pumalag at nakipaghilahan ang isang tindera sa dalawang snatcher na tumangay sa kaniyang cellphone, hanggang sa maagaw niya ang kanilang motorsiklo sa Ho Chi Minh City sa Vietnam.
Sa ulat ng GMA News Feed, mapapanood sa isang video ang paghinto ng isang motorsiklo sakay ang dalawang lalaking nakahelmet sa tapat ng isang maliit na tindahan.
Ayon sa tindera, bumili sa kaniya ang mga salarin. Tumalikod siya saglit para suklian ang mga lalaki.
Pero noong nagbibilang na siya ng baryang iaabot, agad kinuha ng isa sa mga salarin ang kaniyang cellphone, bago mabilis na umangkas sa motorsiklo.?
Sa halip na hayaan, hinabol ng tindera ang mga suspek at kumapit siya sa mga ito.
Ilang segundong nakipaghilahan ang tindera at naitulak pa siya ng mga suspek palayo sa isang pagkakataon.
Pero agad nakakapit ang babae sa likod ng motorsiklo at hinila niya ito hanggang sa matumba.
Nagsitakbuhan na lamang ang mga snatcher palayo at iniwan ang kanilang nakatumba nang motor.
Nahulog din ang cellphone kaya nabawi ito ng biktima.
Sinabi ng tindera na tinangka pa ng isa sa mga suspek na gumamit ng pepper spray pero sinikap niyang hindi bumitaw sa motor.
Dahil din sa kaniyang pagsisigaw, nakuha niya ang atensyon ng mga kapitbahay, kaya wala nang nagawa ang mga snatcher kundi tumakbo nang makita na ang mga papalapit na iba pang tao.
Nasa maayos na kalagayan ang biktima, ngunit nagtamo ng mga galos sa katawan, at nananakit din ang kaniyang mga braso.
Naiulat na sa pulisya ang insidente at patuloy na tinutugis ang mga salarin.
Sinabi ng mga awtoridad na talamak sa lugar ang snatching, at isa ito sa kanilang mga tinututukan. — VBL, GMA Integrated News