Dinakip ang isang tatay at kaniyang anak matapos silang makuhaan ng shabu umano na nagkakahalaga ng mahigit P1 milyon sa ikinasang buy-bust operation sa Quezon City.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes, sinabing ikinasa ang buy-bust operation ng mga tauhan ng Quezon City Police District Station 10 sa Barangay Immaculate Conception Lunes ng gabi.
Inaresto ang target na si Dean Dexter Bato nang iabot na sa kaniya ang item, at dinakip din ang kaniyang amang si Dexter.
Nakuha sa kanila ang 150 gramo ng hinihinalang shabu na sinasabing mahigit P1 milyon ang halaga.
Itinuturo ng ilan ding nahuli na pinagkukunan nila ng droga ang mag-ama.
Dati nang nakulong ang ama sa Tacloban dahil din sa droga.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang source ng droga ng mga suspek.
Mahaharap ang mag-ama sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. —Jamil Santos/KG, GMA Integrated News