Arestado sa Quezon City ang isang lalaking wanted sa pananaksak umano sa kanyang live-in partner sa Zamboanga Sibugay.
Inaresto ng mga pulis mula sa Quezon City Police District (QCPD) Station 13 ang suspek na si Victorino Mira sa Barangay Payatas para sa kasong murder, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes.
Halos pitong taon nang nagtago ang suspek matapos mangyari ang krimen noong 2016 sa bayan ng Payao sa Zamboanga Sibugay.
"Napag-alaman namin na ang biktima pala dito ay ka-live in nitong ating akusado for almost 4 years at ang kaaway ni akusado natin ay ang tatay," ani Police Mayor John Wayne Verzosa, deputy station commander.
"Kaso ang nangyari, nang sasaksakin niya ang tatay biglang humarang yung itong ka-live in niya kaya tinamaan sa dibdib," dagdag niya.
Nagpunta raw ang suspek sa Metro Manila para magtago. Namasukan siya bilang construction worker at manggagawa sa factory ng basahan.
"Nakipag-coordinate sa amin 'yung Payao Municipal Station. Binigay sa amin 'yung information at vinalidate namin. Doon sa validation namin, napag-alaman namin na dito nagtatago si akusado," ani Verzosa.
Naging most wanted ng QCPD Station 13 ang suspek.
Aminado naman ang suspek na nagawa niya ang krimen. Inawat daw siya ng kanyang kinakasama nang makaharap ang kanyang ama.
Kasalukuyan nang pinoproseso ang mga dokumento para mai-turn over na ang suspek sa tracker team ng Payao Municipal Police Station. —KG, GMA Integrated News