Kahit tinambakan ng 25 puntos, nagawang makabalik at pakabahin ng Gilas Pilipinas ang katunggali nilang Jordan sa Fiba World Cup Asian Qualifiers game nitong Biyernes sa Philippine Arena. Pero kinapos ang mga Pinoy sa iskor na 91-90 kahit pa pang-dalawang player ang kinamadang puntos ni Justin Brownlee.
Sa second period ng kanilang laban, ibinaon ng Jordan ang Pinoy cagers sa 25 puntos na kalamangan. Pero dahan-dahan na bumawi ang Gilas sa second half at umarangkada ng 23-10 point laban sa Jordan.
Sa pagtatapos ng third period, naibaba na ang laman ng Jordan sa anim, 70-64. Hanggang sa maiposte na ng Gilas ang 81-81 ang iskor sa 8-2 run na may kasamang triple mula kay Ray Parks sa 5:27 marka.
Pero hindi nagpatalo ang Jordan cagers sa pangunguna ni Ahmad Alhamarsheh na sumagot din ng kaniyang tres, at nagdagdag pa si Zaid Abbas bagaman naidikit na ang iskor sa 86-85.
Sa nalalabing 1:48 oras sa laro, naitabla ng Gilas ang laban sa 88. Pero nakuha na naman ng Jordan ang lamang sa tirada ni Chudri Zuheir Alnajdawi, 91-88.
Kaagad naman na tinapyasan ng short jumper ni Brownlee ang lamang ng Jordan sa nalalabing 1:30 oras ng laro, 91-90.
Matapos sumablay sa transition play ang Jordan, may pagkakataon pa sana ang Gilas na maipanalo ang laban sa nalalabing apat na segundo ng laro pero nagmintis si Ray Parks sa kaniyang tira mula sa fastbreak hanggang sa maubos ang oras.
Sa kabuuan ng Asian qualifiers, nakapagtala ang Gilas Pilipinas ng anim na panalo at apat na talo. Pero bilang host ng World Cup --kasama ang Japan at Indonesia--pasok na ang bansa sa World Cup na gaganapin sa Agosto.
Ang iskor:
Jordan 91 - Tucker 22, Ibrahim 19, Abbas 10, Bzai 9, Alhamarsheh 8, Abu Hawwas 8, Alhendi 6, Hussein 5, Alnajdawi 2.
Philippines 90 - Brownlee 41, Malonzo 11, Thompson 9, Heading 9, Parks 8, Ramos 7, Perez 4, Amos 0, K. Ravena 0.
Quarters: 33-14, 60-41, 70-64, 91-90.
—FRJ, GMA Integrated News