Bukod sa probisyon tungkol sa ekonomiya, nais ni Senador Robin Padilla na idamay sa gagawing pagbabago sa Saligang Batas na baguhin o alisin na ang Party-list system na wala na umanong "anghang" at "sustansiya."

Sa panayam ng Super Radyo dzBB, sinabi ni Padilla, chairman ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes, na dapat mawala ang "cycle of people voting for candidates on the basis of popularity and wealth” sa party-list system.

“Kung mapupunta tayo sa con-con [Constitutional Convention], ‘yan dapat una nating gibain. Dahil ang party-list system ay... my goodness gracious, ‘di ko na makita. Mula magdesisyon ang ating Korte Suprema na payagan na pati mga mayayaman, nawala na po ng anghang at sustansiya. Eh dapat po ‘yan eh mga sektor na ‘di naririnig,” paliwanag ni Padilla.

“Ang kinatawan [sa sistemang ito], naging katawa-tawa,” patuloy ng actor-turned-politician.

Ayon sa bagitong senador, dapat palakasin ang party system para bumoto ang mga tao base sa adbokasiya ng grupo at hindi dahil sa sikat o mayaman ang uupo.

“Tigilan na po natin ang kaboboto dahil sikat at dahil ito may pera. Alam niyo kung nabago natin ang Constitution at mapalakas natin ang partido, ang iboboto niyo na po ang adhikain ng partido, ‘di na ‘yung sikat,” sabi pa ni Padilla.

Ayon kay Padilla, hindi magkakaroon ng katuparan ang mga pangakong pamumuhunan na nakuha ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa iba't ibang bansa kung hindi maamyendahan ang economic provisions sa Saligang Batas ng Pilipinas.

Samantala, iginiit ng Partylist Coalition Foundation Inc. (PCFI) sa Kamara de Representantes, na malinaw na nakasaad sa batas, kabilang ang pasya ng Korte Suprema sa Paglaum vs. Comelec case: "The party-list system is in place to lend a voice to the already marginalized groups, regardless of financial capacity of party-list group nominees."

Partikular na tinutukoy ng PCFI ang Paglaum v. COMELEC, G.R. No. 203766 Supreme Court decision noong April 2, 2013.

Nakasaad dito ayon sa PCFI na, “Paglaum v. COMELEC is inclusive because it upholds the right of party-list organizations who champion the causes of the poor and marginalized and of other sectors whose voices must be heard when Congress formulates laws and sets national policies, programs, and projects. Being a champion means being in solidarity with the sectors represented and supported.”

“Hindi kailangang dukha ang kinatawan ng isang party-list. Ang kailangan lamang ay tunay na kinakampeon ng isang party-list nominee ang kapakanan ng mga naaapi at naisasantabi sa lipunan. The Supreme Court understood the clear intent and language of the Constitution and the enabling Party-list Act:  to make sure other voices are heard, other sectors are seen,” giit ng PCFI.

Ayon pa sa PCFI, ipinagtatanggol ng desisyon ang demokrasya "and inclusion of marginalized voices."

“With Paglaum v. COMELEC, the Supreme Court made sure [to stress] why and how party-lists must be represented in Congress. We are a society of laws and the Supreme Court is the final arbiter of questions of law within the jurisdiction given by the Constitution to the Court to resolve,” pahayag ng PCFI.

Sa ilalim ng batas, isang party-list group ang inihahalal ng bawat botante. Depende sa dami ng makukuha nitong boto ang dami ng "upuan" na maaaring makuha ng party-list group na mula isa hanggang tatlo.

Nitong nakaraang May 2022 elections, ang ACT-CIS (Anti-Crime and Terrorism Community Involvement and Support) ang nakakuha ng pinakamaraming boto na umabot sa mahigit dalawang milyon boto, at nakakuha ng tatlong upuan sa Kamara.

Nais ni Padilla na isagawa ang pag-amyenda sa Saligang Batas sa pamamagitan ng Constituent Assembly na mas mabilis at matipid umano dahil ang mga mambabatas na ang gagawa ng pag-ameyenda.

Samantala, kailangan naman  na magkaroon ng halalan para makapili ang mga tao ng mga deligado na uupo sa sistemang Con-Con na silang mag-aaral at mag-aamyenda sa Saligang Batas.--FRJ, GMA Integrated News