Hindi sinayang ni Justin Brownlee ang pagiging naturalized Filipino citizen matapos niyang pangunahan ang Gilas Pilipinas sa pagdurog sa Lebanon, 107-96, sa kanilang salpukan sa ika-anim at final window ng 2023 FIBA World Cup Asian Basketball Qualifiers.
Sa kanilang pagtutuos sa Philippine Arena sa Bulacan nitong Biyernes, kumamada si Brownlee ng 17 puntos, limang assist at apat na rebound.
Sa pagtatapos ng unang quarter, abante na ang Pilipinas sa iskor na 25-19. Sa second quarter, pinatahimik ng Gilas ang Lebanon sa 13-0 run para palobohin pa ang kanilang kalamangan sa 53-41.
Hindi pa rin nakabangon ang Lebanon sa third quarter nang iposte ng Gilas ang iskor na 82-64. Sa huli at ika-apat na quarter, tuluyan nang nilamon ng Pinoy cagers ang katunggali, 107-96.
Nagpaulan ng "tres" ang Gilas Pilipinas na nakapagtala ng kabuuang 17 triples. Naglaro ang Lebanon na wala ang kanilang pambato na si Wael Arajki
Sa naturang tagumpay, nakabawi ang Gilas sa kanilang pagkatalo sa Lebanon noong Agosto sa dikit na laban na 85-81.
Sa Lunes, makakaharap ng Gilas ang Jordan para sa kanilang huling qualifying game sa kaparehong venue.
Kabilang ang Pilipinas, Japan at Indonesia sa host ng World Cup na gaganapin sa huling linggo ng Agosto.
Bukod sa Pilipinas, pasok na rin sa Group E sa World Cup ang Lebanon at New Zealand.
Samantala, maliban kay Brownlee, nakapagtala rin ng double digit score para sa team Pilipinas sina Jamie Malonzo 15, Mason Amos 13, Ray Parks 10, Jordan Heading 10, Dwight Ramos 10.—FRJ, GMA Integrated News