Hindi maiwasang matakot ng ilang residente matapos nilang mamataan sa Enshuhama Beach sa Hamamatsu, Japan ang isang malaking bola ng bakal na pinangambahan nilang isang bomba o spy ball.
Sa ulat ng GMA News Feed, sinabi ng Japanese state media na nakita ang bolang bakal ng isang residente, na agad tumawag ng mga pulis sa pangambang posible itong pampasabog at maaaring magbunga ng trahediya.
Kaya naman mabilis kinordonan ng mga awtoridad ang paligid ng bilog na bakal.
Sa pamamagitan ng X-ray technology, nakita ng mga awtoridad na hollow o walang laman ang bola, kaya napawi ang pangamba ng mga tao.
Wala ring palatandaan na ginagamit ang bola sa espionage o pag-eespiya ng kahit anong bansa.
Ngunit nananatiling palaisipan hanggang nitong Pebrero 22 kung anong klaseng bagay ang natagpuang bakal na bola, at kung saan ito posibleng nagmula.
Hinala ng mga imbestigador, parte ito ng isang mooring buoy, isang floating device kung saan itinatali ang mga bangka at iba pang vessel.
May dalawang hawakan ang bola na indikasyon na dati itong nakakabit sa isang istruktura.
Nakatakdang alisin ang orb mula sa beach para masuri ito ng mga eksperto. —LBG, GMA News