Nakunan sa CCTV ang pagpasok, panunutok ng baril at panglilimas ng mga gamit ng isang holdaper sa isang salon sa Sampaloc, Maynila. Ang salarin, nagtangka pang humingi ng pera sa kamag-anak ng isa sa mga biktima gamit ang nakaw na cellphone.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita nitong Huwebes, mapapanood ang pagkabulabog ng dalawang customer at staff na nasa loob ng salon pasado 7 p.m. noong nakaraang Huwebes, sa pagpasok ng isang holdaper na may baril.
Kinuha ng suspek ang mga cellphone ng mga customer at staff. Ilang saglit pa, nagtago na sa kusina ang mga biktima.
Nalimas na ng suspek ang gamit ng mga tao sa salon ng wala pang isang minuto, ngunit hindi niya natangay ang laman ng kaha.
Ang isang babaeng customer, nakuhaan ng cellphone, wallet at mga alahas, kasama ang kaniyang engagement at wedding ring.
Kinabukasan, natunton mula Sampaloc, Maynila hanggang sa Mandaluyong ang ninakaw na cellphone ng babaeng biktima, ayon sa GPS nito.
Ngunit mas ikinabahala ng babaeng biktima na nabuksan ng mga salarin ang kaniyang social media account, at sinubukan pang manghingi ng pera sa kaniyang mga kamag-anak.
Makalipas ang isang linggo, hindi pa rin nadadakip ang holdaper, ayon sa mga biktima.
Bago ang panghoholdap, nakunan din sa CCTV ang suspek sa labas ng salon kasama ang kasabwat niya umanong nakamotorsiklo, pero hindi malinaw ang plaka.
Pagkatapos ang panghoholdap, nakunan ang mga suspek na lumiko sa Laong Laan Road.
Nai-report na sa Sampaloc Police Station ang insidente at patuloy ang kanilang imbestigasyon. —VBL, GMA Integrated News