Naging usap-usapan ang American band na Stephen Speaks matapos umanong mag-beating the red light ang nasakyan nilang TNVS, pero hindi na sila tiniketan ng enforcer nang magpa-selfie ito sa kanila. Ang MMDA, iniimbestigahan ang insidente.

Kasalukuyang nasa bansa ang Stephen Speaks para magtanghal.

Napahalakhak ang netizens sa karanasan ng grupo, pero mayroon ding mga bumatikos dahil hindi iginalang umano ang batas-trapiko sa Pilipinas.

Paglilinaw ng Stephen Speaks kalaunan: “Edit - The kid driving us showed the officer on his dash cam that he was clear of the light, someone stopped in front of him and that’s why he didn’t make it all the way through. You all need to chill out, we aren’t criminals here. I saved that kid from a traffic ticket he didn’t deserve. It’s like the replay in a sports game when the referee realizes he saw it wrong. I offered to pay the traffic ticket for the kid, because he didn’t do anything wrong. You haters need to relax."
 
Wala pang katiyakan kung saan eksaktong nangyari ang insidente pero pinaiimbestigahan na ito ng MMDA sa Traffic Discipline Office at sa tanggapan ng Assistant General Manager for Operations.
 
“So far hindi malinaw o hindi namin nakita na enforcer ng MMDA ‘yung binabanggit. Kasi tiningnan din namin ‘yung mga social media pages ng aming enforcers. Wala naman so far na nag-post ng selfie sa nasabing banda,” sabi ni Atty. Romando Artes, chairman ng MMDA.
 
Sinabi ng MMDA na wala dapat palusot sa ticket, opisyal man ng gobyerno o sikat.
 
“Hindi po free ticket o free pass ang kasikatan, posisyon sa pamahalaan o koneksiyon para hindi matiketan ang isang driver sa pag-violate ng traffic law,” sabi ni Artes.
 
Nadismaya si Artes sa post ng banda dahil tila hinihikayat aniya nito ang mali.
 
Sa pahayag ng banda na ibinigay sa GMA Integrated News, nag-sorry ang banda sa post at mali raw ang mga pinili nilang salita.
 
Iginagalang din nila ang mga awtoridad sa Pilipinas at magsisilbi itong leksiyon sa kanila. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News