Sa kulungan ang bagsak ng isang lalaki matapos siyang manutok ng baril at holdapin ng isang mag-asawang nasiraan ng e-bike sa Navotas City. Ang dahilan ng suspek, pinapaaral niya ang dalawa niyang anak.

Sa ulat ng GMA News Feed, mapapanood sa CCTV ang panunutok ng baril ng suspek at pagkuha sa bag sa bag ng ginang na sakay ng nasirang e-bike sa gilid ng kalsada.

“Holdap ito! Sabi niyang ganiyan. Sabi ko ‘Hoy ano iyan? Naku. Gumanoon na ako sa kaniya. Kumaripas na siya ng takbo. Nagsisisigaw ako. ‘Tulong! Tulong! Tulungan niyo kami!’ Kaya narinig ng barangay ng bunganga ko eh,” kuwento ng biktimang si Marieta Medina.

“Buti malapit ‘yung barangay roon sa pinag-anuhan namin. Hinabol, may naghabol na sa kaniya. ‘Yun pala may pulis na roon sa barangay doon,” dagdag ni Medina.

Nadakip ng mga awtoridad ang suspek na si Ernani Paman. Nabawi sa kaniya ang bag ng ginang na may laman na mahigit P7,000 cash, at mga panindang relo at alahas.

Ayon sa biktima, galing sila sa tahanan ng kaniyang kliyente at pauwi na noon sa kanilang bahay.

Sinabi naman ng suspek na hindi niya binalak ang panghoholdap at unang beses lang daw niyang ginawa ang krimen.

“Kailangan po ng mga anak ko sa pag-aaral. Dalawa po kasi ang nag-aaral [na anak] ko. Wala akong trabaho,” sabi ni Paman.

Nang tanungin kung bakit hindi siya naghahanap ng matinong pagkakakitaan, “Hindi na po kaya ng katawan ko, mahina na. May ano po kasi sa baga, may sakit,” sabi ng suspek.

Gayunman, hindi pinalampas ng ginang ang dahilan ng suspek, kahit panay ang paghingi nito ng tawad.

Ayon sa record ng pulisya, dati nang nadakip ang suspek dahil sa pagtutulak umano ng ilegal na droga.

Nahaharap ang suspek sa mga bagong asunto na robbery at illegal possession of firearms. --Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News