Tinanggal sa puwesto ng Bureau of Immigration (BI) ang pinuno at mga tauhan sa kanilang detention facility matapos matuklasan na mayroong anim na cellphones ang isang Japanese detainee na pinaghihinalaang utak sa mga ilegal na aktibidad sa Japan kahit nakadetine na.

Sa panayam ng Super Radyo dzBB nitong Biyernes, sinabi ni BI spokesperson Dana Sandoval, na pananagutan ng pinuno ng warden facility ang mga nangyayari sa kaniyang nasasakupan.

“Because if [it’s] this massive then definitely po there must be something going on. So napalitan po ang head and all the people po inside the facility. Pinagpapalitan po natin 'yan ng mga bago po na mga empleyado natin,” sabi ni Sandoval.

Sinabi ng Department of Justice nitong Martes, na may nakuhang anim na iPhones sa isa sa apat na Japanese nationals, na hiniling ng Japanese government na i-deport sa kanila dahil sa mga kinasangkutang ilegal na gawain sa kanilang bansa.

Ayon kay Sandoval, walang pahintulot mula kay Immigration Commissioner Norman Tansingco ang paggamit ng cellphone sa pasilidad.

“Ang paggamit po ng gadget sa warden facility natin pinapayagan po with prior approval ng commissioner. So kailangan po may authorization muna ng commissioner and may schedule po 'yan,” anang opisyal.

“But nakita po natin na marami pong mga gadget doon and wala pa po, mula nung nag-assume po si Commissioner Tansingco, wala pa po siyang pinipirmahan na any request or application for approval na paggamit po ng mga gadget,” paliwanag ni Sandoval.

Binisita at sinuri din umano ni Tansingco ang pasilidad.

“And nakikita po niya na it’s really something to be prioritized by the Bureau because it’s a concern already if it’s being abused by these kinds of syndicates or criminals here in the country,” ayon kay Sandoval.—FRJ, GMA Integrated News