Matapos ang tatlong linggong taas-presyo, posible umanong magkaroon naman ng tapyas sa halaga ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.
Ayon sa local oil industry sources nitong Biyernes, batay sa oil trading sa nakalipas na apat na araw, (Enero 30 hanggang Pebrero 2), posibleng umanong mabawasan ng P2.40 hanggang P2.70 per liter ang presyo ng diesel.
Samantala, maglalaro naman umano sa P1.90 hanggang P2.20 per liter ang magiging tapyas sa presyo ng gasolina.
Sa panayam ng Super Radyo dzBB, kinumpirma ni Department of Energy-Oil Industry Management Bureau (DOE-OIMB) Director Rino Abad, na malaki ang posibilidad na magkaroon ng rollback sa susunod na linggo.
Ayon sa opisyal, mahigit P2 per liter ang posibleng mabawas sa presyo ng diesel, gasoline, at kerosene.
Tuwing Lunes inaanunsyo ng mga oil companies ang magiging oil price adjustments, at ipinatutupad ito sa Martes.
Nitong nakaraang Martes, Enero 31, umabot sa P1.30 per liter ang itinaas sa presyo ng gasolina, P1.00 sa diesel, at P1.35 sa kerosene.
Ngayong 2023, umabot na sa kabuuang P7.20 per liter ang nadagdag sa presyo ng gasolina, P3.05 per liter sa diesel, at P4.45 per liter sa kerosene.--FRJ, GMA Integrated News