Hinatulan ng Lucena City Regional Trial Court nitong Huwebes na makulong ng habambuhay ang tatlong dating pulis kaugnay sa pagkamatay ng anak ni dating Sariaya, Quezon Mayor Marcelo Gayeta at security escort nito noong Marso 2019.
Ang mga akusado ay sina dating Tayabas City Police Station chief Police Colonel Mark Joseph Laygo, Police Corporal Lonald Sumalpong, at Patrolman Roberto Legaspi.
Ayon sa abogado ng pamilya ng biktima, hinatulang guilty sa kasong double murder ang mga akusado at pinatawan ng parusang dalawang ulit na pagkakakulong ng habambuhay.
Ang biktima sa naturang krimen ay sina Christian Gayeta, anak ng dating alkalde, at kasama nitong security escort na si Christopher Manalo.
Inilabas ni Judge Dennis Orendain ng Lucena RTC Branch 53 ang nasabing desisyon.
“Ang naging hatol dalawang kaso, isang kaso sa pagpatay kay Christian Gayeta at isang kaso sa pagpatay kay Christopher Manalo,” saad ni Crisanto Buela, abogado ng pamilya Gayeta.
“Bawat isa, life imprisonment doon sa tatlo, bawat isa sa kanila. Doon sa isang kaso life imprisonment din doon sa tatlong tao. Kaya bale dalawang life imprisonment ang tinanggap nila,” dagdag pa niya.
Ayon sa mga awtoridad, rumesponde ang mga pulis sa report ng umano’y panghoholdap ng dalawang lalaking naka-motorsiklo sa isang gasolinahan.
Pero nanlaban umano at nauwi sa shootout ang operasyon na nagresulta sa pagpatay sa dalawang suspek, na kalauna'y natukoy na sina Gayeta at Manalo.
Lumalabas sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) na nasa kustodiya na ng pulisya ang dalawang biktima nang mapatay.
Ikinalugod ng dating alkalde ang desisyon ng korte at sinabing matagal nilang hinintay na makamit ang hustisya.
“Napakatagal naming hinintay itong araw na ito… bilang na bilang ng mga anak ko ang bawat araw. Tuwang-tuwa kami, siyempre,” sambit niya.
“Bagama’t hindi na babalik ‘yung anak ko, alam ko na maraming buhay pa ang nai-save namin dahil ginamit lang ‘yung anak ko upang nang sa ganoon ay maputol na ang kalapasatangang ginawa ng mga datihang pulis na ‘yan,” dagdag pa niya. --Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News