Nasa 10 katao ang sugatan matapos araruhin ng isang SUV ang ilang sasakyan at motorsiklo sa Mandaluyong City nitong Martes ng umaga.
Sa ulat ni Saleema Refran sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, makikita sa isang video ang pag-araro ng SUV sa ilang sasakyan sa bahagi ng Shaw Boulevard at San Miguel pasado 8 a.m.
Nakahinto noon ang mga sinalpok dahil nakapula ang traffic light sa naturang intersection.
Matapos bumangga, umatras ang SUV at muling umarangkada at nakabangga muli ng iba pang sasakyan at motorsiklo.
Agad na rumesponde ang mga awtoridad sa insidente.
Ayon sa Mandaluyong Police, walong sasakyan at apat na motorsiklo ang inararo ng SUV.
Pero bago pa man ang naturang insidente na nakuhanan ng video, may mga nauna raw nabangga ang SUV sa ibang kalsada.
“Nanggaling po siya ng Sheridan Street Greenfield, patawid po siya at doon may nabangga siyang dalawang motor. Habang nagko-cross siya dito sa Shaw Boulevard papuntang One San Miguel ay mayroon na naman siyang isang nabangga na Innova at isang motorsiklo,” ayon kay Mandaluyong City Police Police Captain Amante Jimenez.
Nasa kustodiya na ng pulis ang drayber ng SUV, na nahaharap sa patong-patong na reklamong damaged to property at multiple injuries.
Hindi naman binanggit sa ulat kung ano ang kalagayan ng driver ng SUV nang mangyari ang insidente na dahilan para ilang ulit siyang nakabangga.-- Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News