Sinugod ng mga tagasuporta ng natalong kandidato sa pagkapangulo sa Brazil na si Jair Bolsonaro ang Presidential Palace, Korte Suprema at Kongreso nitong Enero 8. Paraan ito ng kanilang pagprotesta sa pagkapanalo ng bago nilang Presidente na si Luiz Inacio Lula da Silva.

Sa video ng GMA News Feed, sinabing kinukuwestiyon ni Bolsonaro ang kredibilidad ng electronic voting system sa resulta ng eleksyon na ginanap noong Oktubre 30, 2022.

Bagama’t wala siyang maiharap na ebidensiya, maraming tagasuporta niya ang naniniwala sa kaniyang mga paratang.

Si Da Silva ay isang dating aktibista at itinuturing na progresibo.

Makikita sa mga video footage ang pagsira na ginawa ng mga sumugod na tao sa ilang mga gamit sa loob ng mahahalagang tanggapan sa kanilang bansa.

Suot nila ang uniporme ng kanilang national team habang may mga nakalagay na bandila ng Brazil sa kanilang mga balikat.

Nagpakawala ng tear gas ang mga pulis para pigilan ang mga ito at inaresto rin ang ilang sangkot sa protesta.

Ayon sa mga ulat, nasa 3,000 na katao ang kasama sa riot.

Maihahalintulad daw ito sa naging riot sa US Capitol noong Enero 6, 2021, na isinagawa ng mga tagasuporta ni dating Pangulong Donald Trump na nag-udyok din umano sa mga tao na iprotesta ang resulta ng eleksyon nila noon na si Joe Biden ang nanalo at nahalal na pangulo.

Pito katao ang nasawi sa naturang riot sa US, kabilang ang ilang first responders.

Madalas din ihambing si Bolsonaro kay Trump, na may pagkakapareho ang pananaw at pulitika.

Itinuturing na makasaysayan ang pagkapanalo ni da Silva laban kay Bolsonaro.

Isa sa mga pangako niya ay pag-isahin ang mga mamamayan ng Brazil na nagkawatak-watak dahil umano sa nationalist populism na ipinairal ni Bolsonaro.

Tiniyak din ni Pangulong Da Silva na mananagot ang lahat ng sangkot sa riot.-- Mel Matthew Doctor/FRJ/KG, GMA Integrated News