Nabuking ang modus ng isang kumpanya sa Eastwood, Quezon City, na namemeke umano ng mga resibo para bumaba ang buwis na babayaran ng kanilang mga kliyente. Ang gobyerno, posibleng lugi na ng bilyon-bilyong piso dahil sa ilegal na operasyon.
Sa ulat ni John Consulta sa "24 Oras Weekend" nitong Sabado, makikita ang ginawang pagsalakay ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation-Anti-Organized and Transnational Crime Division sa isang opisina ng Brenterprise International Inc. sa isang residential condominium unit.
Bumungad ang mga computer at sangkatutak na resibong pineke umano para mabawasan ang babayarang tax ng kanilang mga kliyente.
Makikita naman malapit sa kanilang pintuan ang mga paskil ng kanilang layunin, na pamemeke ng mga dokumento ng BIR, at ang pagpapanggap nila bilang mga tauhan ng corporators ng suppliers para sa mga kliyente.
"Kumikita sila ng 0.8% nu'ng amount na pinagawa roon sa resibo. Ginagamit ito upang mabawasan ang pagbayad ng tax nu'ng mga kliyente. For example, itong mga resibo ay binibigay nila, pinapalabas nila na sila ay gumagastos. Ibabangga nila 'yung sales nila versus expenses, bababa 'yung kanilang income. So liliit 'yung tax na babayaran nila," sabi ni Atty. Rehom Pimentel, Agent III ng NBI-Anti-Organized and Transnational Crime Division.
Nakadestino sa bawat area sa Metro Manila at mga probinsya ang kanilang mga courier kapag gawa na ang peke umanong resibo.
Aabot umano sa mahigit 1,000 kumpanya ang kliyente ng Brenterprise International sa buong bansa.
Labing limang taon nang nasa operasyon ang kumpanya, kaya bilyon-bilyong piso na ang maaring lugi ng pamahalaan dahil sa operasyon, bagay na hahabulin naman ng Bureau of Internal Revenue.
Kinuha ang mga computer at cellphone ng mga inabutang empleyado para makuha ang lahat ng mga data tungkol sa kanilang mga operasyon.
Tumangging magbigay ng pahayag ang mga dinakip na tauhan, samantalang sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuha ang panig ng kumpanya. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News