Nailigtas ng mga pulis at taga-barangay ang tatlong menor de edad na taga-Barangay Bahay Toro, Quezon City mula sa isang umano'y kidnaper.
Arestado ang suspek na nakilalang si Prince Bulawan sa isang drug store sa kalapit na Barangay Tandang Sora, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita ng GMA News nitong Miyerkoles.
Tatlong magkakapitbahay na edad 9-anyos, 12-anyos, at 13-anyos ang umano'y kinidnap ng suspek.
Kuwento ng mga magulang, nagtungo ang suspek sa kanila para humingi ng tulong dahil naholdap umano siya.
Pinakalma siya at pinainom pa.
Nang malingat ang mga magulang, isinama na pala ng suspek ang tatlong menor de edad.
Kuwento ng ina ng 13-anyos na menor de edad, may pumunta sa kanya matapos ang 45 na minuto at sinabing nawawala ang lalaking tinulungan nila.
Aniya, hayaan na lang, ngunit nalaman nilang kasama pala ang kanilang mga anak.
"Kinakabahan ako, tapos tuliro na rin ako kasi nilibot ko na 'yung lugar eh, 'yung alam kong posible nilang puntahan. Kaya kinakabahan ako kasi baka anong mangyari, anong gawin sa bata. 'Di namin kakilala 'yon," ani ama ng 9-anyos na bata.
Matapos ang tatlong oras ay nakita ang mga biktima kasama ng suspek sa labas ng isang drug store sa Barangay Tandang Sora sa Quezon City. May isang nagmalasakit na kabarangay ang nakakita sa kanila at nagbigay ng impormasyon.
Sa kuha ng CCTV, nakitang hawak ng suspek ang isang bata habang nakasunod ang dalawa pang menor de edad.
May humintong motorcycle rider sa harap nila at bigla na lang iniwan ng suspek ang mga menor de edad at pumasok siya sa drug store.
"Nu'ng nakita ko 'yung dalawang bata pa lang, hinablot ko agad sila. Tapos sinabi ko, 'Nasaan 'yung kumuha sa inyo?' Tapos tinuro nila 'yung isang bata na hawak-hawak niya. Nu'ng kukunin ko 'yung bata, hahablutin ko sana 'yung bata, hinatak niya papuntang papalayo sa akin," kuwento ng isang saksi.
Nagpupumiglas ang suspek habang inaaresto siya ng mga pulis at taga-barangay sa loob ng drug store.
Dinala siya sa barangay hall at napaluhod ang suspek habang nagmamakaawa sa mga magulang ng biktima.
"Tinanong ko 'yung anak ko nu'ng nakita ko na siya, 'Bakit ka sumama?' Ang sabi niya, 'Hinahanap lang po namin 'yung mama niya, pakakainin niya kami sa fast food restaurant at magbibili rin po ng damit," kuwento ng ina ng 13-anyos na biktima.
Ayon sa mga pulis, tinangka pa umano ng suspek na isakay ang mga bata sa isang taxi.
"At one point, gusto niyang isakay sa isang taxi. Pero fortunately nahalata siguro ng taxi driver, hindi siya isinakay," ani Police Brigadier General Nicolas Torre III, district director ng Quezon City Police District.
"Napansin din ng mga nagmalasakit na QCitizen na kakaiba at nahalata nila na hindi magkakakilala itong suspek at ang mga bata kung kaya't tumawag sila ng mga pulis," dagdag niya.
Narekober sa suspek ang isang kutsilyo.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa kaso.
Posibleng maharap sa kasong kidnapping at child abuse ang suspek.
Itinanggi naman ng suspek na may masama siyang balak sa mga bata.
"Wala akong balak sa mga bata, sir. Samahan lang ako sa barangay kasi ang feeling ko may sumusunod sa akin. Natatakot po ako," pahayag ng suspek.
Payo naman ni Torre, bantayan mabuti ang mga anak.
"Dumarami na 'yung tao sa kalsada. Abangan natin at bantayan natin ang ating mga anak," aniya. —KG, GMA Integrated News