Nauusong modus lalo ngayong holiday ang "cash on delivery" scam, kung saan may darating na package kahit wala namang inorder ang isang customer at kailangan niya itong bayaran ng pera. At pagbukas niya, makikita niyang bato lang pala o ibang bagay ang laman ng parcel.
Ano nga ba ang sinasabi ng batas tungkol sa scam na ito, at paano maiiwasan ang modus?
Sa Kapuso sa Batas, sinabi ni Atty. Gaby Concepcion na may panganib sa pagbili online dahil maaaring maglaho ang mga scammer na parang bula at mahirap hulihin.
Kaya naman kailangan ng mga espesyal na serbisyo ng National Bureau of Investigation at cybercrime police para matugis ang mga scammer.
Ayon kay Concepcion, ang mga online store ay nasa ilalim din ng Consumer Act, kung saan may karapatan ang consumer na magsauli, magpapalit ng produkto, bawiin ang pera o ipagawa ang produkto kung mali, may sira, o ibang bagay ang nai-deliver.
Maaaring magsampa ng complaint sa seller sa Department of Trade and Industry-Fair Trade Enforcement Bureau.
"Huwag maging biktima. It's better to prevent than to run after a scammer," sabi ni Concepcion. “Only buy from verified sellers.”
Dagdag ni Concepcion, tingnan ang mga review ng online shop na pinagbibilihan ng produkto. — VBL, GMA Integrated News