Matapos magtago ng ilang buwan, sumuko sa pulis ang isang lalaki na inakusahang gumahasa sa live-in partner ng kaniyang tiyuhin sa Maynila. Ang dahilan ng suspek kaya niya nagawa ang krimen, dahil umano sa tawag ng 'laman.'
Sa ulat ni James Agustin sa GMA News Unang Balita noong Miyerkoles, sinabing nagtungo ang 24-anyos sa Fairview police station sa Quezon City, para sumuko at harapin ang kasong isinampa laban sa kaniya.
“Mayroon tayong mga na-receive na feelers na itong suspek ay gustong sumuko dito sa ating istasyon so inarrange natin yung kaniyang pagsuko. At noon siya ay pumunta rito, isinilbi na po natin yung warrant of arrest na hawak natin," ayon kay Police Lieutenant Colonel Richard Mepania, hepe ng Fairview Police Station.
Ayon kay Mepania, kasama sa impormasyon na nakalap nila ang pagtatago ng suspek sa Leyte, at maging sa kalapit na lalawigan ng Maynila.
Nangyari ang krimen noong 2023 sa Pandacan, Maynila.
“Lumalabas doon sa imbestigasyon na nung ginagahasa niya itong biktima, nung hinahalay, tinakpan niya ng kumot para hindi makapalag yung biktima. Dahil may CCTV footages na nakuha doon sa pinangyarihan sa bahay sa compound ay na-confirm na yung suspek ay siya,” dagdag ni Mepania.
Agad na isinilbi ng pulisya ang warrant of arrest laban sa suspek, at hinihintay na lamang ang commitment order mula sa korte para malaman kung saan siya dadalhin.
Nang hingan ng pahayag ang suspek, sinabi nito na, "Sumuko na lang po ako kaysa malagay sa alanganin yung kalagayan ko."
Kung bakit niya nagawa ang krimen, saad niya, "Dala lang po ng [tawag ng] 'laman.'"-- Jiselle Anne Casucian/FRJ, GMA Integrated News