Inilahad ng singer at aktor na si Marco Sison na patuloy ang paghahanap niya ng kaliwanagan tungkol sa pagpanaw ng kaniyang apo na si Andrei Sison noong nakaraang taon.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Miyerkoles, binalikan ni Tito Boy ang sinabi noon ni Marco sa isang panayam na hindi niya mawari ang pamamaalam ni Andrei, na taliwas sa madalas na sinasabi ng mga tao na "Everything happens for a reason."
Hanggang ngayon, hindi pa raw ito lubos na nauunawaan ni Marco.
"Hindi pa. Hinihintay ko pa. Dapat meron talagang may mangyaring iba na connected doon sa nangyari sa apo kong iyon. 'Yun nga eh, anong reason, bakit ganoon? Ano ang nangyayari at bakit nangyayari? So hinihintay ko 'yon," saad ni Marco.
Kaya kung may kanta man siyang iaalay para kay Andrei, ito ay walang iba kundi ang kaniyang hit song na “My Love Will See You Through.”
Matatandaang pumanaw ang 17-anyos na si Andrei at dalawang iba pa matapos maaksidente ang sinasakyang nilang kotse.
Makaraan ang isang buwan, sinabi ni Marco na mabait at magalang na apo si Andrei.
“He's so full of life, 'di ba? So promising, so talented and then wala lang. Hanggang du'n lang. Hindi man lang niya naranasan 'yung sarap ng buhay ng isang tao,” sabi ni Marco.
Si Andrei ang anak ng kaniyang anak na si Alain Marco Salvador. Isang teen artist si Andrei sa ilalim ng Sparkle GMA Artist Center.-- FRJ, GMA Integrated News