Dalawang rider--babae ang isa--ang nasawi matapos magbanggaan ang kanilang mga motorsiklo sa General Santos City. Ang lalaking rider, nakikipagkarera umano nang mangyari ang insidente.

Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkoles, sinabi ng Traffic Enforcement Unit (TEU) na 24-anyos ang babaeng biktima, habang 27-anyos naman ang nakabanggang rider na mula sa Tacurong, Sultan Kudarat.

Ayon kay TEU-Gensan Investigator Master Sergeant Wyken Yamon, paliko sana ang babaeng rider nang mahagip siya ng lalaking rider.

Kapuwa binawian ng buhay sa ospital ang dalawa.

Kuwento ng nobyo ng biktima, susunduin lang sana ng nobya ang pinsan nito nang mangyari ang trahedya.

Ayon sa TEU, nakainom umano ang lalaking rider at sinasabing nakikipagkarera sa isa pang rider.

Sa kabila ng nangyari, nagpasya umano ang mga kaanak ng magkabilang panig na huwag nang magsampa ng reklamo.

Paiigtingin naman daw ng pulisya ang kanilang “Oplan Sita” laban sa mga motorista, at mga sangkot sa drag race.-- FRJ, GMA Integrated News