Personal na humingi ng tawad si John Amores ng Jose Rizal University sa De La Salle-College of Saint Benilde Blazers squad kaugnay ng ginawa niyang panununtok sa naging laban ng kanilang koponan.

Sa ulat sa GMA News "Unang Balita" nitong Lunes, sinabing una raw lumapit si Amores kay Carlo Sumabot para magpatulong na magkausap sila ng Benilde head coach na si Charles Tiu.

Natuwa at tinanggap naman daw ng Blazers ang paghingi ng tawad ni Amores, na inimbitahan pa ni Tui sa kanilang practice game.

Gayunman, itutuloy pa rin ni Taine Davis at Jimboy Pasturan ng CSB Blazers ang reklamong physical injuries laban kay Amores.

Nagsampa ng reklamo sina Davis at Pasturan kay amores noong November 11 sa San Juan Prosecutor’s Office.

Nangyari ang pagsuntok ni Amores kina Pasturan at Davis, nang sumugod ang una sa bench ng Saint Benilde, sa last quarter ng kanilang laban noong Nov. 8.

Lamang ang Benilde sa iskor na 71-51, at 3:22 na lang ang nalalabi sa laro nang mangyari ang kaguluhan.

Samantala, matapos patawan ng JRU ng indefinite suspension si Amores, tuluyan na siyang inalis sa koponan nitong nakaraang linggo.--Mel Matthew Doctor/FRJ,GMA Integrated News