Sinimulan na ng Social Security System (SSS) nitong Huwebes na ialok ang kanilang financial assistance program para sa mga miyembro at pensioners na naapektuhan ng pananalasa ng bagyong Paeng.

Sa isang pahayag, sinabi ng SSS na magsisimula ang naturang programa ngayong araw, November 17, at tatagal hanggang February 16, 2023.

Sinabi ni SSS president at CEO Michael Regino, na ang SSS Calamity Assistance Package ay binubuo ng Calamity Loan Assistance Program (CLAP) para sa mga miyembro nito at Three-Month Advance Pension para sa SSS at Employees’ Compensation (EC) pensioners.

“We, at SSS, are always ready to assist our members and pensioners in the typhoon-stricken areas. We want to assure them that even during times of calamities, they can rely on the financial assistance from SSS,” saad ni Regino.

Ayon sa opisyal, ang mga miyembro at pensiyonado ong SSS sa mga lugar na idineklarang nasa ilalim ng state of calamity ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), o ng Sangguniang Bayan, Panlungsod, o Panlalawigan, ay maaaring makatanggap ng financial assistance.

Ang mga lalawigan na nasa ilalim ng state of calamity ay Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon, Albay, Camarines Norte, Camarines Sur, Sorsogon, Catanduanes, Masbate, Aklan, Antique, Capiz, Guimaras, Iloilo, Negros Occidental, Basilan, Lanao del Sur, Tawi -Tawi, Sulu, Maguindanao del Norte at Maguindanao del Sur.

Sa Cagayan, ang mga bayan na nasa ilalim ng state of calamity ay kinabibilangan ng Amulung, Enrile, at Tuguegarao.

Habang sa Marinduque naman ay ang mga lugar ng Mogpog, Santa Cruz at Buenavista, at sa Cotabato, ito ay mga bayan ng Pigcawayan, Libungan, at Midsayap.

Ang iba pang lugar na idineklara rin na nasa state of calamity ay ang Muntinlupa City, Calbayog sa Samar, Sirawai sa Zamboanga del Norte, at Zamboanga City sa Zamboanga del Sur.

Sa ilalim ng CLAP, ang mga kalipikadong miyembro sa mga lugar na apektado ng Paeng ay maaaring humiram na katumbas ng kanilang isang buwang salary credit o hanggang P20,000.

Ang calamity loan ay babayaran sa loob ng dalawang taon o 24 buwan na hulugan na may taunang interest rate na 10%.

Magbibigay din ang financial assistance ang SSS sa mga pensioners ng SSS at EC sa mga lugar na tinamaan ng bagyo.

“Pensioners may avail of the Three-Month Advance Pension wherein SSS pensioners will be given three months advance of their total monthly pension,” ani Regino.

“We want to help our members and pensioners during these difficult times. We hope that the financial aid that we extended to them will be of big help to rebuild their lives,” dagdag pa niya.

Pinaalalahanan din ni Regino ang mga miyembro at pensioners ng SSS sa mga lugar na apektado ng bagyong Paeng na mayroon na lang sila hanggang January 6, 2023 para i-avail ang CLAP at Three-Month Advance Pension.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News