Inihayag ni Bureau of Corrections (BuCor) officer-in-charge Gregorio Catapang na gigibain niya ang pader na itinayo sa kalsada sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) na nakaapekto sa ilang residente ng Muntinlupa City.
Sa panayam ng GTV "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabi ni Catapang na gigibain niya ang kontrobersiyal na pader na ipinatayo ng sinuspinding BuCor chief na si Gerald Bantag.
Ayon kay Catapang, bibinigyan niya ng access ang mga tao sa naturang kalsada na hindi naisasakripisyo ang seguridad sa NBP.
Dati nang iginiit ni Bantag na kailangang harangan umano ang kalsada dahil nagagamit umano sa "illegal activities" sa loob ng NBP.
Itinayo ang pader at iniharang sa kalsada sa NBP Reservation, na nakaapekto umano sa mga estudyante, guro at mga residente ng Katarungan village.
Ayon kay Catapang, magpapatupad sila ng sistema para magamit ng mga mag-aaral at residente ang hinarangan na kalsada. Kabilang sa posibleng sistema ay ang pagtukoy ng mga taong dadaan sa lugar.
Sa Facebook post nitong Huwebes, pinasalamatan ni Muntinlupa Mayor Ruffy Biazon si Catapang sa naging pahayag nito na buksan muli ang naturang mga daan.
"Natuwa ako nang marinig ko siya [Catapang] sa isang interview kanina na bubuksan daw niya ang mga kalsada para sa tao," ani Biazon.
"Nitong nakaraang Monday, inimbita niya ako sa anniversary celebration ng BUCOR. Ginamit ko na din ang pagkakataon na magbigay ng formal letter para hilingin ang access para sa mga estudyante at residente," ayon pa sa alkalde.
Ayon kay Biazon, kilala niya si Catapang dahil naging admin officer ito ng kaniyang ama na si dating senador at dating AFP Chief of Staff Rodolfo Biazon.
"Alam kong mabuting tao siya. Kaya din naging AFP Chief of Staff siya. Warrior with a heart, " patungkol ng alkalde kay Catapang.
Noong Nobyembre 2021, nagkaroon ng tensiyon nang gibain ng mga residente ang pader na itinayo ni Bantag sa kalsada dahil wala umano itong permit at konsultasyon sa mga tao.--FRJ, GMA Integrated News