Isinilang sa Maynila ang isang sanggol na babae na sumisimbolo bilang ikawalong bilyong tao sa mundo.
Sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita, sinabing isinilang si Baby Vinice Villorente ng 1:29 a.m. sa Dr. Jose Fabella Memorial Hospital nitong madaling araw ng Martes, ayon sa Chief Medical Professional Staff ng ospital na si Dr. Romeo Bituin.
"Masaya po kasi kasali siya sa eight billionth [baby]," sabi ni Ma. Margarette Villorente, ina ni Baby Vinice, na itinuturing biyaya ang kaniyang anak.
Umaasa naman ang Commission on Population and Development na ang symbolic baby ay maging isang simbolo rin ng pag-unlad sa bansa sa hinaharap.
Hinikayat ng POPCOM ang mga local government units na tugunan ang mga pangangailangan ng sanggol at iba pang mga sanggol na ipanganganak, tulad ng kalusugan, edukasyon at tirahan.
Para naman sa National Nutrition Council, mahalaga ang unang 1,000 araw ng mga bata kaya dapat silang mapag-ukulan ng sapat na atensyon para hindi maging malnourished o hindi makatapos ng pag-aaral.
Ayon sa POPCOM, bumagal ang paglobo ng populasyon sa Pilipinas kung saan 1.9 na lang ang fertility rate ngayong 2022 kumpara sa 2.7 noong 2017.
Isa sa mga dahilan ang COVID-19 pandemic, at marami na ring may alam sa family planning. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News