Kinilalang bayani ang isang lalaki na tumulong saluhin ang isang batang nahulog mula sa ikatlong palapag ng gusali sa Guangdong, China.
Sa ulat ng “Unang Balita” nitong Martes, makikita sa isang video ang lalaking si Li Minglin na pasakay na sana ng sasakyan pero may sumigaw na isang babaeng nakabisikleta na may itinuturo sa itaas ng gusali.
Dahil dito, tumingala rin ang lalaki, agad napatakbo at umaktong may sasaluhin.
Ilang saglit pa, nahulog ang isang bata mula sa ikatlong palapag ng gusali.
Hindi man tuluyang nasalo ni Minglin ang bata pero nahawakan niya ito, kaya bumagal ang pagbagsak nito sa kalsada.
Ligtas na ang bata.
Sinabi ni Minglin na kahit medyo nasaktan ang kaniyang braso nang saluhin ang bata, ang mahalaga ay buhay ang bata. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News