Dead on the spot ang isang lalaking construction worker matapos masagasaan ng isang SUV sa Malabon City nitong Lunes ng umaga.

Nangyari ang insidente sa Governor Pascual Avenue sa Barangay Tinajeros pasado alas-sais ng umaga, ayon sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita ng GMA News nitong Martes.

Sa kuha ng CCTV, makikitang kakatapos lang bumili sa tindahan ng 47-anyos na biktima at naglalakad sa kalye nang biglang may nakitang humaharurot na SUV sa kanyang likuran.

Sa isa pang kuha ng CCTV, makikitang lumihis sa takdang lane ang SUV.

Sumuko sa mga awtoridad ang driver ng SUV na hindi pa pinapangalanan.

Wala pang pahayag ang suspek.

Kasalukuyan siyang naka-detain habang patuloy ang imbestigasyon.

Nakipag-ugnayan na ang pamilya ng biktima sa pulisya.

Ayon kay Jeffrey Magsipoc ng Barangay Tinajeros, base sa kanilang pagtatanong sa driver ng SUV, nakatulog ito nang mangyari ang aksidente.

Pauwi na raw noon ang driver galing sa paghatid ng mga dumalo sa isang gimmick.

Payo ni Magsipoc, huwag na lang magmaneho kung inaantok o nakainom. —KG, GMA Integrated News