Lima katao ang nasawi, habang dalawa naman ang sugatan matapos umabot sa Task Force Alpha ang alarma ng sunog sa Navotas City ngayong Lunes. Ayon sa mga bumbero, nakaapekto sa kanilang pagresponde ang water interruption sa lugar.
Sa ulat ni Katrina Son sa GTV “State of the Nation,” sinabing nangyari ang sunog sa Cadorniga Street sa Barangay Bagumbayan.
Kuwento ni Lea Arianne Gonzales, nakalabas pa ng nasusunog nilang bahay ang kaniyang ina pero binalikan nito ang dalawang naiiwang natutulog sa loob.
Dahil dito, hindi na raw nakalabas ang kaniyang ina at kasamang nasawi sa insidente.
“Hinahanap ko po ang nanay ko, pamangkin ko at saka po kinakasama ko, hanggang ngayon po hindi raw po nakikita. Tapos sinabi raw po, wala na,” ani Gonzales.
Dagdag pa ni Letty Baluyot, tiyahin ng isa sa namatay, "Nagtanong ako sa kanila, sabi nila nasunog daw ang pamangkin ko kasi nakatulog at hindi nila alam. Naiwan nilang natutulog.”
Ayon sa Bureau of Fire Protection, 3:58 p.m. nang magsimula ang sunog na itinaas sa ikatlong alarma ng 4:30 p.m. Pero dahil sa patuloy na paglakas ng apoy, itinaas sa Task Force Alpha ang alarma pagsapit ng 6:22 p.m.
Hindi bababa sa 20 fire trucks ang rumesponde sa naturang sunog sa lugar.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, nagsimula ang sunog sa ikalawang palapag ng isang bahay.
Sinabi naman ni BFP Navotas city fire director Fire Superintendent Joel Diwata, na nahirapan silang apulahin ang apoy dahil bukod sa tabi-tabi ang mga bahay at gawa sa light materials, kulang daw ang tubig sa kanilang fire trucks.
Aniya, ilang beses din silang naubusan ng tubig dahil sa water interruption sa lugar.
“’Yung hangin talaga at saka kakulangan natin sa tubig. Mahina po talaga kasi may water interruption po dito sa Navotas. Almost three hours po kasi tingnan niyo ngayon wala na naman kaming tubig,” ani Diwata.
Idineklarang fire under control ang sunog dakong 8:29 p.m., na tumupok sa 70 bahay at mahigit 140 pamilya ang naapektuhan, ayon sa BFP.
Dakong 10:00 p.m. naman nang mailabas ang mga labi ng limang biktima. --Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News