Sa sinumpaang salaysay ng isang bilanggo, idinetalye nito kung paano nila pinatay ng tatlo niyang kasama ang kapuwa nila bilanggo sa New Bilibid Prison (NBP) na si Jun Villamor, ang itinuturong middleman sa pagpatay sa komentaristang si Percy Lapid. Si Villamor, nakiusap pa umano na huwag siyang patayin.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ng bilanggo na si alyas Jocon, na nagsumite ng kaniyang sinumpaang salaysay, na isang "mayor" o lider sa bilangguan na si alyas “May-may,” ang nag-utos sa kanila na patayin si Villamor, na kilala rin bilang si Cristito Villamor Palaña.
Inamin ni Jocon na tatlo pang bilanggo ang kasama niya nang patayin nila si Villamor noong tanghali ng October 18, 2022, sa pamamagitan ng pagsuklob ng plastic sa ulo hanggang sa hindi na ito makahinga.
Sa naturang araw din iniharap ng pulisya sa mga mamamahayag ang sumukong gunman sa pagpatay kay Percy Lapid, o Percival Mabasa, na si Joel Escorial, na napag-alaman kababata ni Villamor sa Leyte.
Nang araw na iyon, inihayag ni Escorial na nanggaling sa Bilibid ang tumawag at kumontrata sa kaniya para patayin si Lapid.
Ayon kay Jocon, nang puntahan nila sa Villamor sa kubol nito sa kulungan, nakiusap ito na huwag siyang patayin.
"Huwag niyo naman akong patayin. Papatayin niyo na ba ako?," saad ni Jocon sa salaysay na naging pahayag umano ni Villamor sa kanila.
Sinabihan daw si Villamor ng isa niyang kasama na, "Kalma mo lang sarili mo kosa."
Si Jocon umano ang humawak mismo ng plastic bag na isinuklob sa ulo ni Villamor. Habang hinawakan naman ng tatlo niyang kasama ang mga kamay, braso at paa nito.
"Medyo matagal po kasi gumagalaw po ang ulo ni Jun. Hindi ko na alam kung gaano katagal dahil blangko na po ako at iniisip ko lang na sana matapos na agad,” sabi ni Jocon.
"First time ko din po kasing sumupot ng tao," dagdag niya.
Sinabi ni Jocon na hindi siya maaaring tumanggi sa utos ni "May-may" dahil alam niyang papatayin din siya kapag hindi siya sumunod.
Nasaksihan raw niya kung paano pinatay ang ibang mga preso roon matapos nilang tanggihan ang utos ni "May-may" at iba pang mga tinatawag na "mayor."
Nauna nang sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, na hindi "natural cause" o sakit ang dahilan nang biglaang pagkamatay ni Villamor sa loob ng NBP.
"It's not very easy to accept that things can go wrong that way but ganyan po 'yun. We call a spade a spade... This is a sworn statement. We're not talking about kuwento [lang]," pahayag ni Remulla.
Nitong Miyerkules ng gabi, isang bilanggo mula sa Ihawig Penal colony ang dumating sa Maynila na sinasabing may kinalaman din sa pagpatay kay Lapid.
Sa ngayon, sampung preso na ang nasa kostudiya NBI na isinalang sa polygraph test upang mapatibay ang isinasagawa nilang case build-up.
Dagdag pa ni Remulla, posibleng dalawa ang mastermind sa pagpatay kay Lapid, na binaril habang nasa kaniyang sasakyan sa Las Piñas City noong October 3, 2022. -- Sherylin Untalan/FRJ,GMA Integrated News