Inilipad sa Maynila mula sa Palawan ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isa pang person of interest sa pagpatay sa mediaman na si Percy Lapid. Muntik pang magkagirian sa Ninoy Aquino International Airport ang mga tauhan ng NBI at Aviation security police.
Sa ulat ni Ariel Fernandez sa "Super Radyo dzBB," sinabi nito na dakong 7:00 pm nitong Miyerkules nang dumating sa NAIA ang person of interest na nagmula sa Puerto Princesa, Palawan sakay ng Cebu Pacific flight.
Armado ang mga tauhan ng NBI na ikinaalarma naman ng Aviation police dahil walang koordinasyon sa kanila ang pagpasok ng mga ito sa paliparan.
Naayos din kinalaunan ang sigalot at humingi ng paumanhin ang mga taga-NBI sa insidente.
Hindi pa tinukoy ang pangalan ng person of interest at ano ang partisipasyon niya sa nangyaring pagpatay kay Lapid, o Percival Mabasa.
Tinatayang nasa edad na 35-50 ang person of interest, at nakasuot ito ng helmet at bulletproof vest nang dumating sa paliparan.
Kaagad din siyang isinakay sa sasakyan ng NBI at dinala sa tanggapan nito sa Maynila. --Sherylin Untalan/FRJ, GMA News