Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang rekomendasyon na "optional" o boluntaryo na rin lang ang paggamit ng face mask maging sa indoor areas.
"A policy of voluntary wearing of face masks in both indoor and outdoor settings is a step towards normalization and a welcome development that would encourage activities and boost efforts toward the full reopening of the economy," nakasaad sa Executive Order No. 7.
Gayunman, inirerekomenda ng EO 7 na patuloy na magsuot ng face mask ang mga nakatatanda, ang mga may comorbidities, immunocompromised, buntis, mga hindi tumanggap ng COVID-19 vaccines, at may sintomas ng COVID-19.
May mga lugar naman na sapilitan pa rin ang pagsusuot ng face mask gaya ng mga sumusunod:
- healthcare facilities, including, but not limited to clinics, hospitals, laboratories, nursing homes, and dialysis clinics
- medical transport vehicles, such as ambulances and paramedic rescue vehicles, at
- public transportation by land, air or sea
Nanawagan din ang pangulo na patuloy na sundin ang mga health protocol gaya ng good hygiene, laging maghugas ng kamay, physical distancing, at maglagay ng mahusay na ventilation o daloy ng hangin sa mga indoor setting.
Inatasan din ni Marcos ang mga lokal na pamahalaan na regular na magsumite sa Department of Health ng kani-kanilang vaccination status.
Hinihikayat ang mga lugar na nasa low risk classification ng COVID-19 pero nasa Alert Level 2 status dahil sa bigong mamit ang vaccination targets, na paigtingin ang kanilang vaccination at booster coverage.
Una rito, nagpalabas si Marcos ng EO No. 3 noong September 12, na pinapayagan na ang boluntaryong pagsusuot ng face mask sa outdoor areas.
Nitong Miyerkules, nanawagan si Dr. Anna Ong-Lim of the DOH Technical Advisory Group Pediatric Infectious Diseases, na patuloy na magsuot ng face mask ang mga estudyante sa face to face classes.—FRJ, GMA News