Dalawang persons with disability (PWD) ang inaresto ng mga awtoridad matapos silang mang-holdap ng isang construction worker sa Quezon City.
Kuwento ng biktima, pauwi na siya at naglalakad sa Barangay Commonwealth nang harangin siya ng mga suspek na sakay ng motorsiklo, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita ng GMA News nitong Miyerkoles.
Tinutukan daw siya ng kutsilyo at kinuha ang kanyang cellphone.
Pagkakuha sa kanyang cellphone ay agad tumakbo sa barangay tanod ang biktima at humingi ng tulong.
Rumesponde agad ang mga pulis at naabutan ang mga suspek.
"Buti na lang naabutan. Kasi hindi umaandar ang motor ng mga suspek. So napag-alaman din na medyo nakainom itong mga suspek," ani Police Lieutenant Colonel Morgan Aguilar, Batasan Police Station commander.
Kwento ng biktima, naglalakad siya nang harangin ng mga suspek na nakasakay sa motorsiklo. Tinutukan daw siya ng kutsilyo sa likod at agad na inagaw ang cellphone. Naaresto ng mga otoridad ang 2 suspek matapos hindi umandar ang sinasakyan nilang motorsiklo. @gmanews pic.twitter.com/b5mfAmRQMP
— James Agustin (@_jamesJA) October 4, 2022
Dinala sa Batasan Police Station ang dalawang suspek at doon na nalaman na sila pala ay may kapansanan.
Kumuha ng sign language interpreter ang mga pulis na nadiskubreng dati palang guro ng mga suspek.
"It turns out itong interpreter ay dati nilang teacher sa SPED, special education. Kaya na-identify talaga sila na deaf and mute," kuwento ni Aguilar.
Naipaliwanag sa pamamagitan ng sign language sa mga suspek ang kanilang mga karapatan.
Ayon sa mga suspek, kaya raw nila nagawa ang krimen ay nag-iinuman sila ngunit naubos na ang kanilang inumin at wala na silang pambili. Dito na nila naisip na mang-holdap na lang.
Narekober ng mga awtoridad ang kutsilyong ginamit, cellphone ng biktima, at motorsiklo ng mga suspek.
Ang biktima naman ay desididong magsampa ng kasong robbery laban sa mga suspek.
"Sana ay huwag nilang ulitin. Magtrabaho sila nang maayos. Malalaki pa mga katawan nila," ani suspek. —KG, GMA News