Patay ang isang 59-anyos na habal-habal driver matapos siyang barilin ng kaniyang pasahero na target tangayin ang dala niyang motorsiklo sa Pasig City. Ang biktima, construction worker na nag-sideline lang sa pamamasada para kumita ng pera para sa pamilya.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, sinabi sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, na sumakay sa Antipolo, Rizal ang suspek na si Rocky Manuel sa motorsiklo ng biktima (na hindi na pinangalanan sa hiling ng pamilya), at nagpahatid sa Barangay Ilog sa Pasig City.

Sa kuha ng CCTV sa nasabing barangay, makikita ang biktima na bumaba sa motorsiklo at natumba matapos barilin ng suspek.

Tumakas si Manuel tangay ang motorsiklo.

“Itong ating suspek, alas-singko po ng umaga ay andun na at tinitingnan niya 'yung mga nakapila sa habal-habal. Pinatawag niya po itong ating biktima and then sumakay na po siya, nagpahatid siya dito sa Barangay Bagong Ilog,” ayon kay Pasig Police Commander PS-2 Plt. Jason Lovendino.

“Makikita po natin sa CCTV, itong ating suspect ay nagpaikot-ikot dito sa Barangay Bagong Ilog. Before po kasi, residente ito sa Barangay Bagong Ilog, matagal siyang tumira dyan. Kaya alam po niya ang lugar kung saan walang tao. Dun na po niya inagaw ang motor,” dagdag ni Lovendino.

Natukoy ang kinaroroonan ng motorsiklo sa Taguig City nang magsagawa ng backtracking ng mga awtoridad. Kasama ni Manuel na inaresto sina Russel Manuel at Ernest Osmeña, na nakitang gumamit din sa motorsiklo.

Lumitaw sa imbestigasyon ng mga pulis na modus talaga ng suspek na tumangay ng mga motorsiklo at nakursunadahan ang motorsiklo ng biktima.

May kinakaharap din na kaso tungkol sa ilegal na droga ang suspek.

Ayon pa kay Lovendino, isang construction worker talaga ang biktima. Pero dahil walang trabaho, nanghiram ito ng motorsiklo ng anak para mamasada bilang habal-habal driver upang kumita.

“Nagtatrabaho po ito sa construction. And then noong wala po siyang trabaho, hiniram po niya sa anak niya itong motor. Kailangan daw po niya maghanap-buhay para mag habal-habal po. Noong September 30 nga po hiniram niya sa anak niya itong motor,” anang opisyal.

Tumanggi umanong magbigay ng pahayag ang mga suspek, ayon sa ulat. --FRJ, GMA News