Ninakaw ang donation box sa isang simbahan sa Quezon City, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes.
Agad namang naaresto ang suspek na kinilalang si Erwin Concepcion dahil sa alertong guwardiyang nakapuna sa kahina-hinala nitong kilos.
Nangyari ang insidente sa St. Peter Parish sa Commonwealth Avenue.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nakita ng guwardiya ng simbahan ang kahina-hinalang kilos ng suspek kaya sinundan niya ito papasok ng comfort room.
Sa loob ng CR, naaktuhan daw ng guwardiya na sinisira ng suspek ang padlock ng donation box na may lamang P625.
Narekober mula sa suspek ang isang lagare at screwdriver.
Napag-alaman ng pulisya na ito na ang ikaanim na beses na makukulong si Concepcion dahil sa mga kasong may kinalaman sa pagnanakaw.
Itinanggi naman ng suspek na nagnakaw siya. Aniya, pumunta lang siya sa simbahan para makigamit ng comfort room.
"Nakita ko 'yung donation box na nakabukas. Nag-CR muna ako, kasi ang balak ko talaga pagpunta doon ay mag-CR," ani Concepcion.
Nahaharap sa kasong robbery si Concepcion. —KBK, GMA News