Kinumpirma ng Malacañang ngayong Lunes ang pagpunta ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. sa Singapore nitong weekend, at sinabing "produktibo" ang resulta ng biyahe.

"Naging produktibo ang pagdalaw sa Singpore ni Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos Jr. Pinagpatibay niya ang mga pangunahing usapan sa huling state visit sa bayan na ito, at pinatuloy ang paghihikayat sa pag invest sa bayang Pilipinas," sabi ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles sa caption nang ire-post niya ang post sa Facebook ng Singapore politician na si Tan See Leng.

Sa Facebook post ni Tan See Leng, nakasaad na: "Congratulations to Sergio Perez for winning the Singapore Grand Prix! Happy to meet various Heads of States, Ministers and foreign dignitaries (including Bongbong Marcos, President Surangel Whipps Jr., Cambodia's Minister attached to the Prime Minister and Managing Director of Electricite Du Cambodge (EDC), Keo Rottanak, Cambodia's Minister of Commerce, Pan Sorasak, Advisor to the Royal Court, Kingdom of Saudi Arabia, Dr. Fahad Bin Abdullah Toonsi) to affirm our bilateral economic relationships and strengthen collaborations in energy cooperation as well as exchange views on manpower policies on the sidelines of the race."

Si Tan See Leng ang minister for manpower ng Singapore at second minister for trade and industry.

Ginawa ang Singapore Grand Prix sa Marina Bay Street Circuit mula September 30 hanggang October 2. Nagwagi ang Red Bull Racing's Mexican driver na si Sergio Perez.

Sa hiwalay na Facebook post, sinabi naman ni Singaporean Prime Minister Lee Hsien Loong na masaya siyang makita ang pagbisita ng mga nanood sa karera mula iba't ibang bahagi ng mundo.

"It is yet another sign that we have emerged from the pandemic and are open for business," ani Loong.

Kabilang sa mga larawan na ipinost ni Loong ay sina Marcos at First Lady Liza Araneta-Marcos.

"Happy to link up again with friends from both here and abroad. They were excited to be here, to watch the race and enjoy the good company," anang opisyal.

Una rito, lumabas ang mga ulat na bumiyahe si Marcos sa Singapore noong Sabado ng hapon para manood umano ng naturang karera.

Binatikos ni Bayan Secretary General Renato Reyes Jr. nitong Linggo ang naturang biyahe ni Marcos na tinawag niyang, “insensitive, unnecessary and irresponsible,” para sa pangulo dahil nasa krisis ang ekonomiya ng bansa.

Sinabing nagtungo si Marcos sa Singapore mula September 6 hanggang 7 para sa state visit. Kabilang umano sa nakapulong ng pangulo sina Singaporean President Halimah Yacob at Prime Minister Lee Hsien Loong, at tinalakay ang ugnayan ng dalawang bansa at iba pang mahahalagang usapin.—FRJ, GMA News