Sinabi ng ekonomistang si Albay Representative Joey Salceda na maaari pang humina ang halaga ng piso laban sa US dollar sa darating na mga araw.
Sa ulat ni Sandra Aguinaldo sa GTV "State of the Nation" nitong Biyernes, sinabi ng kongresista na maaaring umabot sa P65 hanggang P68 ang palitan sa $1US dollar.
Nitong Biyernes, nagsara ang palitan sa P58.50-$1.
"Frankly, there's not much we can do. To return to stable core inflation, the U.S. needs to achieve 5% disinflation that it achieved in the early 1980's, and that took 6,500 basis points in interest rate hikes... So, hang on. This is still bound to be quite a ride," paliwanag ni Salceda.
Sa kabila nito, tiniyak ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na nananatiling matatag ang halaga ng piso.
"The Philippine currency is actually in middle of the pack. If one takes a global view, the currency is actually quite stable," ayon kay BSP Governor Felipe Medalla sa news conference kasama ang mga economic managers ng bansa habang nasa New York.
Hindi naman lubos na masaya ang ilang Overseas Filipino Workers (OFWs) kahit tumataas ang palitan ng dolyar dahil batid nila na may epekto rin ito sa pagmahal ng mga bilihin sa bansa.
"Okay naman po sa side namin na OFW na mataas pero pag-uwi namin dito parang ganun din naman yung value. Kung tumaas yung palitan tapos tataas din ang presyo, parang equal lang din," saad ng seafarer na si Paul Hector Merelos. —FRJ, GMA News