Idiniin ng isang saksi ang ilang security guard ng Manila Arena sa Maynila na kumuha umano sa ilang nawawalang sabungero. Iginiit din niya na marami ang nakakita sa pangyayari at mayroong CCTV camera sa lugar.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabi ng saksi na itinago sa pangalang "Arvie," na nakita niya nang isakay ng mga security guard ng arena sa van ang mga nawawalang sabungero noong Enero 13, 2022.
Kuwento ni Arvie, nakita niya nang isakay sa van sina Marlon Baccay, Mark Joseph Velasco, Rondel Cristorum, at Rowel Gomez.
Gayunman, hindi raw niya nakita ang pagtangay sa mga biktimang sina James Baccay at John Claude Inonog.
Nasa malapit na cock house raw si Arvie nang makita niya ang pagkuha sa mga nawawalang sabungero.
Sinundan daw niya ang mga ito at inabutan niya malapit sa basement.
"Sinisilip ko na lang ho sila, nakita ko yung sasakyan bukas. Doon sila pinapasakay tapos yung mga gamit nung biktima may mga nagbababa din,” ayon sa saksi na nasa pangangalaga ng Special Investigation Task Group (SITG).
“Yung kahuli-hulihan pong bumaba sila Dondon saka sila Zabala,” patungkol ni Arvie, sa mga suspek na sekyu na sina Julie Patidongan at Mark Carlo Zabala.
Sina Patidongan at Zabala, ay dalawa sa siyam na guwardiya ng arena na inireklamo ng kidnapping at serious illegal detention sa Department of Justice (DOJ).
Ayon pa kay Arvie, "Kaya po po sinundan yung mga tao na 'yon, kasi po kakilala ko po talaga. Tapos nung walang wala po ako, don naman ako sa kanila lumapit noon.”
Marami umanong tao ang nakakita sa pangyayari at may mga closed-circuit televisions (CCTVs) sa basement taliwas sa sinasabi na wala.
Hindi raw natatakot si Arvie na sabihin ang katotohanan dahil alam niyang tama ang kaniyang ginagawa.
“Nasa tama naman ako eh. Kasi kung 'di ako tutulong sa kanila, pwede rin akong pakialaman ng kabila. Eh nandito naman po ako sa batas, dito na lang po ako natingin sa kanila,” paliwanag niya.
Sinusubukan pa na makuha ang pahayag nina Patidongan at Zabala, ayon sa ulat. — FRJ, GMA News