Patay ang isang ina sa sunog na sumiklab sa isang residential area sa Pasig City kaninang magaling araw.
Iniulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Biyernes na nangyari ang sunog sa Sampaguita St., De Castro Subdivision sa Barangay Sta. Lucia, pasado 2:30 ng umaga.
Mabilis umanong naapula ang apoy, pero isang residente ang nasawi.
Kinilala ang biktima na si Melanie Gonzales, ang nanay ng pamilya.
Ginising umano ng biktima ang kanyang pamilya upang makalabas. Pero nagpaiwan pa siya sa loob upang subukang apulahin ang apoy.
Natagpuan na lamang ang kanyang bangkay sa loob ng banyo.
Dagdag ng ulat, nagkaroon ng second degree burns sa kanang braso ang kanyang lalaking anak, na agad namang naisugod sa ospital.
Samantala, hinihintay na lamang ng pamilya ang pagdating ng mga tauhan ng punerarya para ayusan ang labi ng biktima.
Nagpaalala ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) na iwasan na lamang na bumalik sa loob ng bahay na nasusunog upang hindi na ma-trap sa apoy.
Iniimbestigahan na ang BFP ang sanhi ng sunog. —GMA News