Dahil nagiging talamak na umano ang pagkalat ng maling impormasyon sa internet, naghain ng panukalang batas si Senador Jinggoy Estrada para gawing krimen na may parusang kulong ang paggawa at pagpapakalat ng fake news.
Sa inihaing Senate Bill 1296 ni Estrada, na layuning amyendahan ang Sections 3 at 4 ng Republic Act 10175 o ang Cybercrime Prevention Act, umaasa ang senador na magwawakas na ang umano'y, "proliferation of disinformation and misinformation on the internet."
Nakapaloob sa panukala na isama ang paggawa at pagpapakalat ng fake news sa computer system o iba pang katulad na paraan, sa mga gawaing pinaparusahan sa ilalim ng Republic Act 10175.
Sa ilalim ng nasabing batas, ang mga napapatunayang nagkasala sa Sections 4(a) at 4(b) ay makukulong ng "prision mayor" (hanggang anim na taon) o mula na hanggang P200,000.00.
Layunin din sa pag-amyenda sa Section 3 na kilalanin ang "fake news" bilang: "misinformation and disinformation of stories, facts, and news which is presented as a fact, the veracity of which cannot be confirmed, with the purpose of distorting the truth and misleading its audience."— FRJ, GMA News