Sinundan, tinutukan ng baril bago hinoldap ng riding-in-tandem ang isang delivery rider na naghahatid ng mga parcel sa Las Piñas City. Ang mga salarin, tinangay ang halos P10,000 na bayad ng mga customer.
Sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Huwebes, mapapanood sa CCTV ang pagpasok ng magkaangkas na motorsiklo sa isang kalye sa Barangay Pulang Lupa Uno tanghali ng Martes.
Makaraan ang ilang saglit, dumaan din ang delivery rider na kinilalang si Darwin Paras, na maghahatid noon ng mga parcel.
Sa isa pang kuha, makikitang huminto sa dulo ng kalsada ang mga salarin saka umalis, habang pumasok naman ang delivery rider sa isang eskinita.
Pero bumalik ang mga suspek at sinundan ang delivery rider sa eskinita.
Makalipas lamang ang isang minuto, nagmamadali nang lumabas ang magkaangkas na salarin, na hinoldap na pala ang delivery rider.
Hinabol sila ng delivery rider, na maririnig sa CCTV na humihingi ng tulong.
"Nagde-deliver po ako sa customer. Pag-deliver ko po roon sa customer, bigla-bigla na lang may um-ano sa likod ko na huwag daw akong kikilos nang masama," sabi ni Paras.
Hindi nakunan ng CCTV pero tinutukan umano ng baril sa ulo si Paras, at tinangay din ng mga suspek ang kaniyang cellphone at halos P10,000 na bayad sa mga parcel.
Kinuha rin mula kay Paras ang susi ng kaniyang motorsiklo para hindi siya makahabol.
Sinabi ni Paras na ngayon lang ito nangyari sa kaniya sa tatlong taon niyang pagde-deliver sa lugar.
Inaalam na ng Las Piñas Police ang pagkakakilanlan ng mga suspek.
"Makonsensiya sila sa ginawa nila sa akin. [Magtrabaho] sila nang patas. Kasi pinaghihirapan po 'yung trabaho namin e hindi naman po kami basta-basta lang eh," sabi ni Paras. —GMA News