Nasapul ng dashcam video ang pagbundol ng ambulansya sa isang lalaki sa Quirino Highway sa Novaliches, Quezon City kahapon, Miyerkules ng umaga.

Nabundol ng isang paparating na nag-counterflow na ambulansya ang isang lalaki na tumatawid sa kalsada, at sa lakas ng impact, tumilapon ang pedestrian. 

Sa ulat ng Unang Balita ni James Agustin, ipinakita din ang  CCTV footage ng barangay, at sa isang anggulo makikita ang lalaki na galing sa kabilang lane habang sumisingit sa pagitan ng mga concrete barrier para makatawid.

Nakatingin siya sa paparating na mga sasakayan at maya-maya  pa'y na nabunggo na siya sa nag-counterflow na ambulansya.

Agad naman umanong rumesponde ang ambulansya ng barangay at isinugod ang lalaki sa ospital.

Pahayag ng BPSO Desk Officer na si Felipe Decada, nagtamo ng mga sugat sa ulo, balikat, at tuhod ang lalaki, pero conscious naman umano ito.

Ayon naman sa Quezon City Police District Traffic Sector 2, iniwan na lamang sa kanila ang lisensya ng driver ng ambulansya dahil may dala siyang pasyente. Saka na lamang binalikan ang naaksidente niya matapos maghatid sa ospital.

Bawal ang pag-counterflow sa ilalim ng batas-trapiko, pero ina-allow umano ito kapag may-emergency, ayon kay QCPD Traffic Sector 2 Commander Police Lieutenant Joan Vela.

Dagdag ni Vela, may pagkakamali din ang nabundol na lalaki kasi hindi siya tumawid sa tamang tawiran na overpass para sa mga tao.

Nagkaayos na umano ang dalawang panig, ayon sa ulat. Sinagot din ng driver ng ambulansya ang pagpapagamot ng biktima. —GMA News