Timbog ang isang third-year college student na umano'y nangikil at nagbanta sa babaeng nakilala niya sa social media, ayon sa ulat ni John Consulta sa Unang Balita nitong Huwebes.
Inaresto ng mga ahente ng Cybercrime Division ng National Bureau of Investigation (NBI) ang suspek na si Lucky John Martin sa isang entrapment operation sa isang hotel sa Quezon City.
Ayon sa biktima, nakilala niya ang suspek sa isang dating app nitong buwan lang. 'Di nagtagal ay nagsimula na raw siyang suyuin nito.
Lingid daw sa kaniyang kaalaman, patagong nire-rekord ni Martin ang kanilang mga pribadong video call para gamitin na pang-blackmail sa kaniya.
Ayon kay NBI spokesperson Atty. Giselle Garcia-Dumlao, una raw ay pera ang hinihingi ng suspek sa biktima kapalit ng hindi pagpapakalat ng mga pribadong video.
"Dahil wala namang maibigay na pera ang ating victim, sinabi na lang [ng suspek] na makipagkita at mag-checkin sila sa hotel," ani Dumlao.
Hindi itinanggi ni Martin ang paratang sa kaniya at humihingi na siya ng tawad sa biktima.
Inaalam na ng NBI kung may iba pang nabiktima si Martin, na nahaharap sa paglabag sa Anti-Photo and Voyeurism Act.
"Kakasuhan din natin siya ng grave threats," ani Dumlao. —KBK, GMA News