Sa halip na magpalamig sa apartelle kasama ang nobya sa kanilang monthsary, sa likod ng rehas ang bagsak ng isang lalaki matapos na masakote siya ng mga pulis dahil sa panghahablot umano ng cellphone sa isang pasahero ng van sa Taguig City.
Sa ulat ni Nico Waje sa GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkules, kinilala ang suspek na si Moises Dagdag, na humingi ng tawad sa kaniyang biktima.
Nadakip si Dagdag ng mga pulis na tiyempong nasa C-5 sa kahabaan ng Fort Bonifacio dakong 7:00 pm nitong Martes, nang humingi ng saklolo ang pasaherong hinablutan niya ng cellphone.
Ayon sa biktima, sira ang aircon ng van na kaniyang sinasakyan kaya bukas ang bintana nito nang bigla umanong hablutin ng suspek ang kaniyang cellphone.
Hinabol ng mga pulis ang suspek at inabutan. Mayroon umanong motorsiklo na naghihintay sa suspek sa gagawing pagtakas.
Noong una, sinabi ni Dagdag na hindi niya alam kung ano ang pumasok sa isip niya at hinablot ang cellphone ng biktima.
Pero inamin din niya kinalaunan na balak niyang ibenta ang cellphone.
"Para maano po yung girlfriend ko, malagay ko sa ano...mag-a-apartelle sana kami," ani Dagdag na sinabing monthsary nila ng kasintahan sa Huwebes, Sept 22.
Natuklasan naman ng mga pulis na dati nang nasangkot sa iba pang kaso ang suspek gaya ng pagnanakaw, illegal drugs at illegal gambling.--FRJ, GMA News